Paano Ba Ang Mangarap?

Every great dream begins with a dreamer. Always remember, you have within you the strength, the patience, and the passion to reach for the stars to change the world.

~ Harriet Tubman

Marami akong pangarap noong bata pa lamang ako. Gusto kong maging isang pintor, o kaya ay arkitekto. Gusto kong maging isang nurse o kaya ay doktor. Gusto kong maging singer o kaya ay isang dramatic actress. Gusto kong maging brodkaster o kaya ay isang field reporter.

Sabi ng mga kamag-anak ko ay ambisyosa raw ako dahil puro pang-mayaman ang mga karera na gusto kong abutin. Ambisyosa pero kung gugustuhin ko ay maaabot ko naman dahil ako raw ay “MATALINO”.

Naalala ko ang pelikula ni Vilma Santos na “Paano Ba Ang Mangarap?”. Hindi ko napanood ‘yung pelikula pero alam ko na kasama niya doon si Christopher de Leon at may remake sina Jennylyn Mercado at Mark Herras ngayon. Hindi ko rin alam ang istorya kaya please wag niyo akong tanungin, pero gusto kong subukang sagutin ang tanong. Ewan ko pero naisip ko, madali lang naman ang mangarap di ba? Kung tutuusin lahat ng tao ay kayang mangarap. Uupo ka lang sa isang tabi at titingin sa langit at saka mo sasambitin kung ano ang pangarap mo sa buhay, tapos ‘yun na. Maging ang batang paslit ay may mumunting pangarap na maging isang guro sa kanyang paglaki o kaya ay Cinderella; anuman ang lahi at estado sa buhay ay may ninanais na marating at maabot kahit na mukha pa itong imposible. Sabi nga, LIBRE LANG naman ANG MANGARAP kaya kung mangangarap ka rin lang ay taas-taasan mo na. Huwag mong pakinggan ang mga taong sumusuway sa iyo. Buhay at pangarap mo naman yan. ‘Yun nga lang, kung paano mo ito tutuparin, iyon ang dapat mong pag-isipan dahil dito na magsisimula ang pagsuong sa mabatong landasin patungo sa iyong pangarap.

Isang malaking disappointment para kay tatay at sa aking mga kamag-anak ang pag-aasawa ko ng maaga. Ako kasi ang inaasahan nilang mag-aahon sa aming pamilya mula sa pagkalugmok nito sa kahirapan. Nagkasunud-sunod ang trahedya sa aming buhay at ako ang inakala nilang saving grace. Iyon ang pangarap ng mga kamag-anak ko para sa aming pamilya na sa tingin nila ay ako ang sumira. Ganun rin naman ang aking adhikain. Bilang panganay ay ipinangako ko sa sarili na pipilitin kong ilagay sa ayos ang aming kalagayan. Pinangarap kong mabigyan si tatay at ang aking mga kapatid ng magandang pamumuhay sa kabila ng aming mga pinagdaraanang pagsubok. Alam kong batid na nila ngayon iyon. Kaya nga ako nandito sa Singapore upang sumugal na rin dahil alam kong walang mararating ang kakarampot na kikitain ko sa Pinas. Isang pasasalamat na maunawain si Gard sa aking sitwasyon at patuloy na tumutulong upang matupad ko ang mga nais ko para kina tatay.

Binalikan ko ang lahat ng mga naging pangarap ko noon… ni isa pala ay wala akong narating. Nauwi lang pala sa kusot ang mga binulong ko sa bituin. Tunay na ang pagrerebelde ay walang matinong mararating kungdi ang daan patungo sa EDSA at Mendiola.

Sa aming magkakapatid, ako ang may pinakamaayos na buhay may-asawa. Maalwan ang aming pamumuhay at nakasisiguro sa kinabukasan ng aming mga anak. Kaya siguro bilang isang ate ay masakit sa aking loob na makitang hindi ko nagabayan ang aking mga kapatid. Ni isa sa amin ay walang nakapagtapos ng kolehiyo. Isang malaking kabiguan para sa aming magulang na nagsikap na maituwid ang aming landas.

Marami pa rin akong pangarap sa buhay kahit ako ay hindi na bata. Pero hindi ko na gustong maging isang doktor, o arkitekto, o isang sikat na artista o brodkaster. Matanda na siguro ako para doon at napaglipasan na ng panahon. Mahabang oras ang muli kong bubunuhin sa pag-aaral. Gayunpaman ay buo pa rin ang pangarap ko para kina tatay. Hanggang sa pagtulog ay dinadalangin ko pa rin na maisakatuparan ko iyon bago man lamang dumating sa takipsilim ang kanyang buhay. Ang pangarap na mabigyan siya ng isang maayos na pamahingahan sa panahon ng tag-init; matibay na kublihan sa panahon ng tag-ulan; masarap na almusal, at masustansyang tanghalian at hapunan. Ang pangarap na marating niya ang lugar kung nasaan ako ngayon at magbiyahe hindi dahil sa trabaho kungdi bilang isang regalo sa kanyang mga naging pagsisikap. Matatag pa rin ang loob ko na makakatulong pa rin ako sa aking mga kapatid sa kahit na anong paraan, maliit man o malaki. Gusto kong maranasan din nila ang mamuhay ng maayos at masagana kasama ng aking buong pamilya.

Paano nga ba ang mangarap? Madali lang at libre pa nga. Pero kung mangangarap ka, dapat ay GUSTO mo at hindi PARANG GUSTO mo lang. Dahil ang salitang GUSTO ang magbibigay sayo ng motibasyon para kumilos. At siguraduhin mong gusto mo rin itong tuparin at pagsisikapan mong abutin dahil ang ibinulong mo sa langit ay ibibigay sa’yo ng nasa Itaas kung sasabayan mo ng sikap at tiyaga. Naniniwala ako doon gaya ng paniniwala ko na sasamahan pa Niya ito ng isandaang porsyentong lakas.

I have learned, that if one advances confidently in the direction of his dreams, and endeavors to live the life he has imagined, he will meet with a success unexpected in common hours.

~ Henry David Thoreau

chic1

*Isang pagbubukas din ang ang naging pakontes ni kaibigang Otep upang muli kong ma-analisa ang mga pangarap ko sa buhay maging ng iba pang bloggers. Hindi man manalo ang entry na ito, sa isang banda ay nakatulong sa akin ito upang lalo ko pang pagsikapang abutin ang nais ko para sa aking pamilya.

80 responses

  1. just want to share you my favorite quote from goethe:

    whatever you can do or dream you can do, begin it
    for courage has genius, power, and magic in it.
    only engage and the mind grows heated.
    begin it and the task is half-completed.

    naniniwala ako ng tatay at mga kapatid mo ay proud sa iyong accomplishments. alam nila na kung may maiitulong ka para sa kanila ay gagawin mo. don’t underestimate them.

    August 22, 2009 at 3:19 AM

    • hi plaridel!

      hindi ko naman sila ina-underestimate. alam ko na proud sila sa aking mga narating. pero masakit din kasi na paminsan-minsan ay ipinapaalaala pa rin nila ang pag-aasawa ko ng maaga sa mga simpleng pag-uusap lang. alam ko na naappreciate din nila ang aking mga simpleng tulong kahit na madalas ay puro hingi at walang thank you na kasunod. but i don’t expect them to reciprocate what i’ve done for them. dahil love is giving and sharing and i love them dearly :)

      salamat po sa pagbisita!

      August 22, 2009 at 11:53 AM

  2. Pingback: Bigger Than Any Mountain « Life Is A Piece Of Keyk

  3. Pingback: LLM T-SHIRT MAKINIG KAYO! :) « Libre Lang Mangarap! :)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.